Friday, May 11, 2007

Bata

Posted in Friendster March 2005

Break time namin ngayon, wala ako magawa. Hindi masyado madami ang na-assign na "tickets" sa akin. Kaya 'di tulad ng dati, nag-iinternet lang ako ngayon. Wala masyado mapuntahan na sites kaya inisip kong mag-post na lang ng kahit ano dito sa blog. Hindi ko alam kung paano pumasok sa isip ko 'tong topic na 'to pero mukhang interesting kaya eto...
Naaalala ko dati, paggising ko sa umaga, mga boses na ng mga kalaro ko ang aking naririnig. Nagsisigawan na sila, nagtatawanan... nakakainis... hindi nila ako hinintay. Bibilisan kong bumangon... konting mumog, hindi pa nga nakakakain... 'ni hindi pa nagsusuklay, lalabas na ng bahay para maglaro.
Sasalubungin agad ako ng isa sa mga aking kalaro, nagpaparangya ng bago n'yang dala... s'ya ang pinakamayaman ang magulang sa amin... lagi s'yang may dalang bago... bagong game and watch, o kaya bagong baril-barilan o kotse-kotsehan. Nakakainggit... pero hindi kami nalulungkot. Kasi 'pag bata ka, hindi masaya ang maglaro ka mag-isa... mas ok kung marami kayo naglalaro.
Mga ilang saglit pa, magyayayaan na 'yan- "Tantsing! Tantsing!" Takbuhan kami sa kanya-kanyang bahay. Paglabas, bitbit namin ang isang kahon ng sapatos na may lamang mga tau-tauhan. Ang iba naman, nakalagay sa laylayan ng damit ung mga tau-tauhan nila. May magguguhit na sa lupa. Tapos, "persan" na. Lagi akong kaban. Ang pangit kasi ng pato ko. Pero lagi pa rin ako panalo. Hindi ko alam kung bakit. Yung mga hindi makakasali, mamumulot ng tansan para sa kalog. Swerte yung mga puro goma ang tau-tauhan. Kasi limang plastic ang katumbas nun. Hindi ako magaling sa kalog. Lagi na lang akong nagka-kak.
Kapag nagkasawaan, magyayaya ng mataya-taya, langit-lupa, monkey-monkey, piko, sipa, o kaya syato. Pero paminsan-minsan na lang ang syato kasi nung minsan na maglaro kami, tinamaan nung kahoy sa ulo yung isa naming kalaro... pumutok ang noo... dumugo. Pero ok pa rin naman yung ibang laro... kaya yun na lang ang nilalaro namin.
Nandyan din ung mga laro naming gagayahin namin ang kahit anong mga napapanood namin. Tandang-tanda ko pa, ako lagi si Red One, si Black Lion, si Leoric, o kaya si Steve. Meron ako kalaro nun, lalaki s'ya, pero s'ya lagi si Pink Five, si Pink Lion, o kaya si Jamie. Pero hindi namin iniisip nun na bading s'ya. Nakakatuwa nga kasi puro kami lalaki. At least, may papapel ng babae.
Siguro wala nang sasaya pa sa mga labanan ng kung anu-anong mga hayop. Meron ako noong malaking posporo na puno ng gagambang totoo, yung may mga pula sa puwitan. Humuhuli ako ng langaw tapos yun ang pinapakain ko sa kanila. Minsan, masarap-sarap ang pagkain nila kapag nananalo ako sa labanan... yung mga kalaban nila, yun na yung kinakain nila. Pero madami na rin akong gagambang natalo. Sila yung mga kinakain ng mga gagamba ng kalaban ko. Masaya din maglaban ang mga tutubing kalabaw. Putulan ng ulo. Yung mga alaga naming tutubi, tinatalian namin sa puwit para hindi makawala. Tapos, pinuputulan namin ng konti yung pakpak. Yun nga lang, bago maggabi, patay na sila. Hindi namin alam nun kung bakit.
Namangha din kami at nagtaka sa lakas ng mga langgam na pula. Manghuhuli kami ng mga insekto... tipaklong, tutubi, gagambang kulangot, kahit mga catterpillar tapos ilalagay namin sa mga langgam na pula... yung malalaki ang ulo. Nakakatuwang panoorin... kinakatay nila yung insekto. Minsan, nakakahuli kami ng butiki... gustong gusto ng mga langgam yun. Kinabukasan, kalansay na lang yung butiki. Sinubukan din naming paglabanin ang mga itim na langgam at ang mga langgam na pula. Hindi masaya. Hindi sila naglalaban.
Tapos biglang dadating yung mga matatanda... tatawagin ka para umuwi... kain na daw. Ayaw ko pang kumain. Gusto ko pa maglaro, kaso kapag nakakakita ako ng sintron, patpat, o kaya walis tambo, hehehe... unahan pa tayo sa pagkain.
Nakakamiss din minsan ang pagiging bata. Walang problema, walang kung anu-anong iniisip. Nakakamiss talaga. Kaso... hindi na ako bata... hindi na dapat magpabanjing-banjing... kailangan na uling magtrabaho para may makain...

No comments: